Martes, Disyembre 27, 2011

Paskong Twenti Eleben

Malamig na naman ang simoy ng hangin. Ilang araw na lang at ang Pasko ay sasapit na. 


Isa ang Pasko sa pinakamahalaga at pinakamasayang okasyon ng taon. Isang okasyon kung saan abalang- abala ang lahat sa paghahanda ng napakaraming bagay. Sa di mabilang  na kadahilanan, ako'y bumabalik sa pagkabata sapagkat ito ay isa sa mga pinakahihintay kong araw.


Kung kailan malapit na ang araw na ito, at saka naman naganap ang kalunus- lunos na sakuna sa Mindanao partikular na sa Cagayan De Oro at Iligan dulot ng bagyong Sendong na kumitil sa mahigit isang libong buhay. Napakasakit isipin na habang ako'y nagdiriwang ng kapaskuhan ay napakadami namang tao ang nagdurusa dahil sa trahedyang iniwan ng bagyo. Sa kabila nito, tunay pa kayang magiging buhay ang pagdiriwang ko ng Pasko?


Sa likod ng mga makikinang na 'christmas lights', mumunting tinig ng mga nagkakaroling, at ang nakapanggigising na tunog ng kampana ay may natatago pa ring lungkot sa akin. Masaya nga dapat ang aking Pasko ngunit mas magiging masaya ito kung kasama ko at ng buong pamilya ang aming lola na pumanaw na. Palagi pa rin siyang pumapasok sa aking isipan at nakaka'miss' talaga siya. Iba pa rin talaga ang presensya ng isang lola. Isang lola na palaging nakaantabay at handang sumuporta. Isang lola na maaari mong mahingan ng payo sa mga bagay bagay. Siya na lang kasi ang natitira kong lola kaya napakasakit talagang tanggapin na wala na siya.  Ako ay nalulungkot at hindi na namin siya makakasama sa araw na ito at sa susunod pang kapaskuhan. Sa kabilang dako, hindi rin pala ako dapat malungkot dahil siya ay payapa na at kasama niyang nagdiriwang ng kapaskuhan sa taas ang Panginoon nating lumikha.


Masaya, malungkot, kalunus- lunos, napakaraming salita ang pwedeng ilarawan sa Paskong twenti eleben. Bukod sa mga ito, may inis din akong nadama noong araw na iyon. Nakaugalian na namin ng aking ina, ng aking 'mama' na mamasyal tuwing Pasko. Ngunit ngayon, pagkatapos magsimba at bumisita sa puntod ng aking lola ay diretso na agad kami sa bahay. Hindi man lang nagasgasan at nagtagal sa aking katawan ang aking bagong kasuotan. Nainis pa akong lalo sapagkat  may nagdatingan pa na bisita sa bahay. Lalo na kaming hindi matutuloy sa pamamasyal. Ang isa pang kinaiinis ko ay plano talaga dapat naming mamasyal, hindi ko alam kung bakit hindi kami natuloy. Hindi ko malaman kung ayaw ba talaga nila o tinatamad lang sila?  Simpleng pamamasayal lang naman ang gusto ko, ang magpunta sa mall at may mabili para sa sarili ko bilang regalo. Mahilig kasi ako sa mga damit, kapag may nakita akong maganda at bagay sa akin, gusto ko na itong bilin agad. Kung wala man akong napili at nabili, masaya pa rin ako at ako'y nakapamasyal.  Lubos talaga akong nainis at hanggang sa matapos ang araw ay nasa bahay lang ako kasama ang pamilya. Wala na kong nagawa kundi ang kumanta na lang sa videoke.


Sa positibong banda, napagtanto ko sa huli na hindi lang ang pamamasyal sa mall ang kailangan ko bilang regalo o para ako'y maging masaya ngayong Pasko. Kung hindi man matuloy ngayon, maaaring sa ibang araw ay makapamasyal na din kami. Napagtanto ko din na isa sa pinakamagandang regalo na dapat kong ipagpasalamat ay ang kasama ko ang aking mga magulang at ang buong pamilya. Hindi magiging makabuluhan ang Pasko ko kung wala ang mga taong ito sa aking buhay. At kahit wala sa aming piling ang aming lola ay mananatili pa rin namin siyang kasama sa puso at isipan. 


Wala sa mga materyal na bagay ang tunay na diwa ng Pasko. Hindi ito tungkol sa dami ng iyong perang napamaskuhan o sa ganda ng iyong kasuotan sa halip ito'y tungkol sa dami ng taong nabahagian mo sa iyong simpleng pamamaraan. At wala pa ring tatalo sa apat na salita na siyang nagbibigay ng tunay na kahulugan sa Pasko- pagbibigayan, pagpapatawad, pagmamahalan, at takot sa Diyos.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento