Lunes, Disyembre 26, 2011

Ikaw Ay Babae (Babae- Inang Laya)

Ang mga babae ay may kanya- kanyang kapasidad, kakayahan, at kinalalagayan dito sa ating lipunan. Marami ang babae dito sa mundo. Iisa ang kasarian ngunit iba- iba ang mga katangian.


Ang awiting pinamagatang Babae ni Inang Laya ay isang awiting nakapupukaw ng isipan at damdamin lalung lalo na sa mga babae sa ating lipunan. Isinisiwalat nito ang katotohanan ukol sa katayuan at papel ng kababaihan ng nakaraan at bagong henerasyon. Sa kabilang banda, mamumulat ka din sa mga pagkakaiba ng mga kababaihan, noon at ngayon.


Sa unang bahagi ng kanta, ipinakita ang mga negatibo- mga kahinaan at masasabi ko na ring mga kapintasan  ng kababaihan. Napag-isip isip ko na totoo nga ang mga ito, na nangyayari nga ito sa totoong buhay. "Kayo nga ba ang mga Nena na hanapbuhay ang pagpuputa?" Ito ay isa sa mga linyang pinakatumatak sa aking isipan dahil ito ay isang realidad. Kagaya ng mga napapanood ko sa balita, nagkalat ang mga bars kung saan babae ang ''menu" at tinatawag na mga GRO. Dito pumapasok ang prostistusyon na talaga namang laganap na dito sa bansa. Ano na lamang ang iisipin ng susunod na mga henerasyon kung sila ang magsisilbing gabay?  Magiging magkapareho kaya sila ng mga kapalaran? Nakakalungkot isipin na may mga ganitong babae na katawan ang pinupuhunan para mabuhay samantalang nagkalat naman ang maramimg disente't marangal na trabaho.


Sa pangalawang bahagi naman ng kanta, ipinakita dito ang mga positibong bagay tungkol sa kababaihan. Nagbigay ng konkretong halimbawa ang kanta katulad nila Tandang Sora at Gabriela Silang na natutong lumaban sa pang- aapi ng mga Kastila. Ipinapakita nito ang imahe ng isang babae na palaban sa mga pagsubok na dapat naman talagang isabuhay nila sa panahon ngayon. Dapat ay ipinagalalaban nila ang bawat karapatan nila sa lipunang kanilang ginagalawan. Sa pamamagitan nito, mahihikayat nila ang iba na tumayo sa kanilang sariling mga paa at taas noo na ipagmalaki na sila ay tunay na mga babae. Mga babae na handang ipaglaban ang kanilang pinaniniwalaan.


Pagkatapos kong pakinggan ang kantang ito, maraming imahe at katanungan ang naglaro sa aking isipan. Ano nga ba ang isang tunay na babae? Sila ba yung tipong magaganda at mahihinhin ngunit nasa loob naman ang kulo? O sila ba yung tipong magagaslaw at maaarte ngunit totoo naman sa kanilang mga kinikilos? Ako'y nalilito na sa kung ano nga ba ang tunay na paglalarawan sa isang tunay na babae.  Hindi ko tuloy maiwasan na maihambing ang mga napapanuod kong balita tungkol sa mga babae na malaki ang kaugnayan sa kantang ito. Hindi bumaba ang tingin ko sa mga kababaihan pagkatapos pakinggan ang kantang ito dahil hindi naman pare- pareho ang lahat ng babae dito sa mundo. Hindi dapat sila ginagawang libangan na isang kasalanan na maituturing. Ang nararapat na ibigay sa isang babae ay respeto.


Sa mapanghusgang lipunan na ating kinalalagyan, maganda na mapakinggan ng lahat ng kababaihan, maging ang mga kalalakihan ang awiting ito nang sa gayon ay mamulat ang kanilang mga isipan sa katotohanan na hindi dapat iniiwasan. Hindi layon ng awiting ito na ibaba ang moral ng mga babae sa halip, layon nitong himukin sila na maging matapang at matutong lumaban sa mga pagsubok ng buhay. At nawa'y sa pamamagitan ng awiting ito ay maging isa ang lahat ng kababaihan sa pagbuo ng isang mithiin, ang lumaya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento